Search This Blog

Friday, January 5, 2007

Kwentong Bayan

Hindi na nabago ang kwentong ito sa mga sine at telenovela.

Si Aling Pinang, ordinaryong tao. Mahirap. Sunog ang balat at bugbog ang laman sa pagtatrabaho.

Pero sinwerteng magkasupling ng maganda. Si Inday.

Isang araw, habang naliligo sa batis si Inday, napadaan si Senyorito Daniel, anak ng hacienderong si Don Manuel. Guwapo ito, matipuno at talaga namang pantasya ng bayan. Habang sakay ng kanyang dyip, naaninag niya ang maalindog at mahinhing si Inday.

“Puntahan nyo!”, sabi nito sa mga kasama. “Dalhin nyo rito at isama nating mamasyal.”

Kilala ni Inday si Senyorito Daniel. Sino ba ang hindi? Lahat silang naninilbihan sa hacienda ay kilala ang buong angkan ni Don Manuel. Isang malaking kabastusan ang hindi pagkakaalam sa mga diyos-diyosan ng bayan.

Mahinahong sumama si Inday. At syempre, alam na ninyo ang sumunod na kabanata. Hindi nakapagpigil si Senyorito Daniel. Iba kasi ang karisma ni Inday. Sa harap ng mga gwardya’t kabarkada, iginupo nito ang dangal ng dalaga. At pagkatapos, iniwang parang baboy sa gilid ng kalsada.

Bagamat takot, matatag si Inday. Nagsumbong ito sa pulis.

“Si Senyorito Daniel?”, ana ni Tsip. “Imposible yun! Ka-gwapo ng tao e. Kaya nun kunin ang kahit sinong magandang dalaga, dito man o Maynila. Imposibleng mang-rape yun!, Baka naman gusto mo lang malahian at ng maambunan ng swerte. Marami ng ganun.”

Buti na lang napadaan si Attorney. Hindi niya maatim ang pang-aaping nadatnan. Pinaglaban nito ang kaso. At himala! Hindi nauto ang hukom. Panalo si Inday!

Pinakulong ni Judge si Senyorito Daniel. Nagpanting naman ang tenga ni Don Manuel. Nag-uumusok ang bumbunan!

“Sinverguenzang mga patay-gutom yan! Pano nangyari to? Talaga bang gusto nilang matikman ang galit ko? Asan si Mayor?!”

Madaling araw, sumugod si Aling Pinang kina Mayor. Winawasiwas ang itak. Namumula sa galit. “Bakit nyo pinatakas si Senyorito Daniel?!”

“Kailangan natin siyang ilabas sa bilangguan. Patay tayong lahat ke Don Manuel pag hinayaan natin siya dun. Alam nating lahat kung gaano ka tindi ang kapangyarihan ni Don Manuel. Hindi ko kayang sagupain yun,” sagot ni Mayor. "Ayon sa batas ang ginawa ko. Kasama yun sa kasunduan namin para sa patuloy niyang paggabay sa kaunlaran ng bayang 'to."

“Pag nagalit si Don Manuel, hindi lang ikaw ang apektado. Tayong lahat! Sino pa ang lalapitan natin kapag may sakuna? Sino pa ang tutulong sa akin sa mga proyektong bayan? At alam nyo naman, tahimik ang bayang to dahil sa mga gwardya ng hacienda. Marami. Maraming mawawala sa atin pag nagalit si Don Manuel. Lahat kami damay dahil lang sa anak mo.”

“Ipaglaban mo naman ang aming karapatan!”, pagsusumamo ni Aling Pinang. “Inapi kami. Kami dapat ang pinapanigan mo dahil ikaw ang ama ng bayang ito!”

“At ano ang gusto nyo, ha? Sirain ko ang magandang samahan natin ke Don Manuel? Aba naman, mag-isip ka nga! Iisang pamilya lang kayo. Ang isinasaalang-alang ko dito ay ang kapakanan ng buong bayan!”, sagot ng inis na ring si Mayor. "Bakit kasi, naligo si Inday sa batis."

“Hayaan mo na. Gusto mo, tulungan na lang kitang itago sandali si Inday. Ipasadiyos mo na lang ang lahat. Ganyan talaga.”

Nanlumo si Aling Pinang. Di na napigilan ang pag-agos ng luha. Alam nyang wala na siyang magagawa.


Haay. Pilipinas.....

7 comments:

Anonymous said...

Marami pa siyang magagawa... sapagkat di pa huli ang mundo para sa kanya.

At kung ihahambing sa kaso ng ating kababayang binibini na maaring masabi na mas naging biktima ng pulitika kaysa ng kawalan ng hiya ng naturang kanong sundalo, marami and marami pa and maaring gawin. Ito'y kwento na may malalim and nakaririmarim na kahulugan and kahalagahan...

atto aryo said...

Tama ka. Unang pwedeng gawin ay patayin nya si Mayor. Ehe! Masyadong brutal. Sumama na lang siya sa mga pagkilos para matanggal sa pwesto si Mayor. Mahirap ng baguhin ang takbo ng kwento dahil alam nating lahat na imposibleng makulong uli ang rapist. Kailangan na lang panagutin ang mga taong nagkanulo sa interes ng bayan.

Anonymous said...

ang panget ng ending dbah?...

kung sawa na kayo sa pamamaraan pilipinas dun n lng kayo sa ibang bansa,,, ibang kulura.

pero sa huli marerealize mo na iba pa rin ang bayan mo..

YEAh,,,

Anonymous said...

sabi nga doon sa napakinggan kong internet radio from Pangasinan ... kapag mayaman ka Justice ..patungkol sa mga kaso ng mga mayayamang burukrata kapitalista sa pinas sama na natin si erap..

pero kapag mahirap ka daw e just-tiis.....

Anonymous said...

hindi naman tama ang ginawa ni don manuel na palabasin si senyorito daniel sa kulungan dahil kasalanan ng kanyang anak yun kasi ni rape niya c inday ay kailangan nasa kulungan na ngaun c senyorito daniel

Wedding Glitters said...

kwalan ng hustisya pero kulang din naman minsan ang ibang tao na hindi lumalaban...ni hindi gumagawa ng paraan

Anonymous said...

its always obvious justice here in our country is only for the rich and those who are powerful people specially those who are in the government..at pnu k mkakagawa ng paraan eh pti buhay ng mga mahal mo apektado na..sasakit lng ang dindib mo sa sama ng loob dahil wala kng laban..